Huling Eba sa Paraiso (161)
“’Yang ganda mong ‘yan, wala ka pang naging bf, Marianne?’’ takang-taka si Drew.
“Wala nga, Drew.’’
“Kahit nung nag-aral ka sa Maynila, hindi ka nakaranas magkaroon ng siyota?’’
“Wala.’’
“Walang nanligaw sa iyo? Kahit classmate mong lalaki?’’
“Wala ngang nagkamali.’’
“Siguro suplada ka pa nun.’’
“Baka nga. Kasi nakapokus ako sa pag-aaral. Ayaw ko kasing mabigo si Lolo na nagpapaaral sa akin. May pangako kasi ako kay Lolo at Lola na ipagpapatayo ko sila ng bahay kapag nakatapos ako. Pero hindi na nangyari dahil namatay nga si Lolo at natuklasan ko na nagkautang-utang pa sa walanghiyang Intsik na si Mr. C.’’
‘‘Wala kang panahon nun sa siyota-siyota dahil pawang aral ang inaatupag mo.’’
‘‘Oo.’’
‘‘Sayang kung hindi pala namatay ang lolo mo e tapos ka na sa pag-aaral ano?’’
“Oo. Siguro ay nakakuha na ako ng trabaho at natupad ko ang pangako sa kanila na ipagpapatayo ko sila ng bahay.’’
Napatangu-tango si Drew. Nakita niya matnding kabiguan sa mukha ni Marianne dahil sa hindi natupad na pangako.
‘‘Pero siguro naman, matutupad mo pa rin ang pangarap sa darating na panahon.’’
“Sana nga Drew—habang buhay pa si Lola. Sana patuloy mo akong tulungan.’’
“Makakaasa ka, Marianne.’’
ILANG buwan pa ang lumipas at nakita na nina Drew at Marianne ang bunga ng kanilang mga paghihirap.
Dahil sa dami nilang naitanim na mga punong namumunga, nagmistulang paraiso na ang lugar na dati ay nakatiwangwang. Berdeng-berde ang kapaligiran.
“Parang paraiso na ito, Drew.’’
“Oo nga!’’ (Itutuloy)
- Latest