Alupihan (187)
‘‘Gusto mo ba ng chopsuey Kuya?’’ tanong ni Hani.
“A oo! Paborito ko ‘yan. ‘Yan ang laging niluluto ng misis ko noong nabubuhay pa.’’
“Sige Kuya. Marami akong sariwang gulay sa ref.’’
“Sige at tatalupan ko ang carrots at iba pa. Gagayatin ko na rin ang sibuyas at repolyo.’’
“Wow kabisado mo ang mga sangkap Kuya.’’
“Paborito ko nga ‘yan Hani. ‘Yan lagi ang ulam namin ni Misis ko nung nabubuhay pa.’’
Napangiti na lang si Hani.
Nang makuha ni Hani ang mga gulay sa ref ay sinimulan na itong gayatin ni Cris. Sanay na sanay siyang maghiwa ng carrots, repolyo, bell pepper at sibuyas. Iglap lang at tapos na siyang maghiwa.
“Ayan tapos ko nang gayatin, Hani.’’
‘‘Ang bilis mo Kuya. Talagang naniniwala na ako na chopsuey lagi ang ulam n’yo ni Misis nun.’’
Nagtawa lang si Cris.
Maya-maya, naalala ni Cris na wala pala silang kanin.
‘‘Naku wala pala tayong rice! Teka at magsasaing ako.’’
“Oo nga Kuya, wala tayong kanin.’’
‘‘Mabilis lang magsaing.’’
“Sanay ka ring magsaing Kuya?’’
‘‘Oo naman. Ako ang nagsasaing habang si Misis ang nagluluto ng ulam at iba pa.’’
‘‘Masarap magluto si Misis mo Kuya?’’
‘‘Super sarap!’’
‘‘Kaya hindi mo siya makalimutan, Kuya?’’
“Oo. At saka mabait, malambing at mapagmahal siya.’’
“Maganda siya ano Kuya?’’
“Oo.’’
Napabuntunghininga si Hani pagkatapos.
‘‘Kaya nga nangako ako na hindi siya papalitan.’’
Napabuntunghininga uli si Hani.
Makalipas ang 30 minuto, luto na ang chopsuey. Pati ang kanin ay luto na rin.
Nagsandok na si Hani.
Masaya silang kumain. Patuloy ang pagkukuwentuhan. Enjoy sila sa isa’t isa.
Kinagabihan, pabiling-biling sa pagkakahiga si Cris. Hindi siya makatulog.
Sa kabilang kuwarto, ganundin pala si Hani. Hindi rin ito dalawin ng antok.
(Itutuloy)
- Latest