Alupihan (159)
Ronnie M. Halos (Pilipino Star Ngayon) - October 26, 2020 - 12:00am

Kinabukasan, ina­bangan ni Cris si Hani sa pagdaan nito para kausapin tungkol sa nangyari kagabi pero hindi niya matiyempu­han. Ayaw naman niyang puntahan ito sa room sapagkat maaaring­ makita siya ni Gretchen at kung ano pa ang isipin. Baka mapag­hinalaan pa siya nito na kampi kay Hani.

Naghintay pa siya. Pero pasado alas otso na ng umaga ay hindi pa dumaraan para pu­masok sa opisina. Na­isip ni Cris na baka maagang umalis at may­roong mahalagang gagawin sa opisina.

Mamaya na lang niya kakausapin pag-uwi. Ka­ilangang malaman niya ang dahilan kung bakit napunit o pinunit ang damit niya kagabi. At hula ni Cris, si Gretchen ang may kagagawan.

Eksaktong alas nu­webe, nagulat siya nang makita ang boarder na si Girlie na occupant ng Room No. 1. May hilang maleta si Girlie.

“Good morning Kuya,’’ bati ni Girlie.

“Hi Girlie, good morning.’’

“Magpapaalam na ako Kuya.’’

Nagulat si Cris.

“Magpapaalam? Aalis ka na rito Girlie?’’

“Opo Kuya. May offer po kasing trabaho sa akin sa province. Dun na po ako magtatrabaho.’’

‘‘Ganun ba?’’

“Opo. Wala naman po akong atraso sa bayad ano po kaya puwede na akong umalis? Wala rin naman akong kontrata.’’

“A oo wala. Teka at isa­sauli ko ang one month de­posit mo.’’

“Salamat Kuya.’’

Nang makuha ni Girlie ang deposito, umalis na ito.

Pero wala pang ilang minutong nakakaalis si Girlie, si Hannah naman na occupant ng Room No. 2 ang nagpaalam sa kanya. Sa bahay na raw ng pinsan nito titira.

Hindi na nagtanong pa si Cris kay Hannah. Wala namang atraso si Hannah sa renta kaya anumang oras na gusto nitong umalis ay maaari.

Isinauli rin niya kay Hannah ang dineposito nitong pera.

Nang makaalis si Hannah ay naiwang nag-iisip si Cris. Bakit sabay-sabay ang pag-alis? Pa­rang nag-usap sila?

Maya-maya, si Jay­mee naman ang dumating at nagpaalam sa kanya. Si Jaymee ay occupant ng Room No. 5. Makikitira na lamang daw siya sa kanyang pinsan dahil nag-iisa na ito sa bahay.

Duda na si Cris. Bakit sa­bay-sabay silang umalis?

Tinanong ni Cris si Jaymee kung bakit nagkasabay-sabay silang umalis nina Hannah at Girlie.

Ayaw pang magsalita ni Jay­mee pero sa pa­mimilit ni Cris, sinabi rin nito ang dahilan.

(Itutuloy)

CRIS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with