Alupihan (149)
Kinuha ni Hani sa kamay ni Cris ang tubo. Binuksan dahan-dahan ang pinto at saka sumilip sa awang. Dahil may ilaw sa likod ng bahay, nakikita ni Hani kung may kahina-hinalang tao roon.
Iginala niya ang tingin sa bawat sulok. Wala siyang makita, Mali ang kutob ni Kuya Cris na may nagtatangkang pumasok. Baka apektado na ito ng problemang dinulot ni Diana kaya kaunting may kumaluskos ay inaakalang magnanakaw.
“May nakita ka ba Hani? May napansin kang tao?’’ tanong ni Cris habang nasa likuran ni Hani.
“Wala naman Kuya. Wala akong nakikitang kumikilos.’’
“Baka nakakubli sa puno ng mangga?’’
‘‘Wala Kuya,’’ sabi ni Hani at isinara ang pinto. Nilagyan ng kabat.
“Kanina kasing makita ko si Diana at ang lalaki, seryoso na ang usapan nila. At nang muli kong tingnan, nawala na ang lalaki.’’
“Sigurado ka Kuya na ang lalaki ay ‘yung kasama rin ni Diana na nakita mo sa restaurant?’’
“Oo. Sigurado ako.’’
Nag-isip si Hani.
Maya-maya, nagsalita.
“Sa palagay mo Kuya, dito lang sa likod ng bahay posibleng dumaan ang magnanakaw? Wala na bang puwedeng pagdaanan?’’
“Wala na.’’
‘‘Sa second floor --- dun sa aming room. Baka may puwedeng pagdaanan dun.’’
Nag-isip si Cris.
“Walang dadaanan dun, Hani. Saka ang bintana sa mga room ay may iron grills.’’
Napatango na lang si Hani.
‘‘Matulog na tayo Kuya. Palagay ko, hindi ngayon gagawa ng pagnanakaw ang kakutsaba ni Diana. Bukas, pag-aralan natin kung paano natin mahuhuli ang magnanakaw. Kailangang matapos na ang mga ginagawa ni Diana. Hindi dapat mangyari ang mga iniisip niya.’’
‘‘Salamat Hani. Sige matulog na tayo.’’
(Itutuloy)
- Latest