Ahas sa Garden (422)
Nang mapagod sa paglalakad sina Alexis at Nicole, ipinasya nilang magpahinga sa ilalim ng punongkahoy na nasa dakong itaas ng taniman ng mga gulay. Mula roon, tanaw nila ang dinaanan sa ibaba pati na ang ilog na nagsusuplay ng tubig sa farm. Mas magandang tanawin ang taniman ng gulay mula sa kanilang kinauupuan.
Magkahawak-kamay sila habang nakaupo.
“Alam mo Love, hindi ko akalain na hahantong sa ganito kasaya ang buhay ko. Akala ko, wala nang pag-asa mula nang tumakas ako noon sa nagpapasok sa akin sa club para maging dancer. Hindi ko akalain na ang pagtakas kong iyon ay sa kamay mo pala ako babagsak at matutupad ang mga pangarap.
“Dahil sa’yo kaya ako makakatapos ng pag-aaral at nagkaroon ng trabaho para masuportahan ang sarili. At ngayon, magpapakasal pa tayo. Alam mo, Love, parang nananaginip ako. Hindi ako makapaniwala. At lalong hindi ko malilimutan ang ginawa mong pagliligtas sa akin sa addict na nagtangka akong gahasain. Ang pangyayaring iyon ang lalong nagpatibay na talagang mahal na mahal mo ako. Itinaya mo ang buhay mo para ako mailigtas. Naiisip ko, paano kung hindi mo ako sinundan o hinanap ng gabing iyon. Baka… baka kung ano na ang nangyari sa akin. Maraming salamat Love. Ngayon lang ako makakapagpasalamat sa’yo.’’
Pinisil ni Alexis ang palad ni Nicole.
Gumanti ng pisil si Nicole.
Humilig si Nicole sa balikat ni Alexis.
Damang-dama nila ang wagas ng pag-ibig sa isa’t isa.
Walang makakapantay sa nadarama nilang pagmamahal. Ayaw na nilang matapos ang sandaling iyon.
Ayaw nilang maghiwalay pa.
“Nasasabik na ako sa araw ng kasal natin, Nicole. Parang hindi na ako makakapaghintay.’’
Napangiti si Nicole.
“Nakapaghintay nga tayo nang matagal ngayon ka pa ba maiinip?’’
“Para kasing ang tagal pa.’’
“Malapit na!’’
Pinisil muli ni Alexis ang palad ng kasintahan.
Hanggang magkatinginan sila.
Inilapit ni Alexis ang mukha sa pisngi ni Nicole.
Hinalikan niya si Nicole.
(Itutuloy)
- Latest