Ahas sa Garden (197)
Ronnie M. Halos (Pilipino Star Ngayon) - July 18, 2019 - 12:00am

“UUWI na lang ako sa probinsiya namin Ester. Tama ka na wala ring silbi ang pagmamalasakit ko kay Sir Nath. Kahit muntik na akong patayin ng walanghiya niyang ka-live-in, baka yun pa rin ang kampihan at paniwalaan,” sabi ni Manang.

“Tama ang desisyon mo Manang. Huwag mo nang panghinayangan kung meron ka mang matatanggap kay Sir Nath dahil sa mahaba mong serbisyo. Mas mahalaga ang buhay mo. Tingin ko kasi sa Brendang yun, hindi magpapatalo at handang pumatay. Pati nga ako nasindak sa walanghiyang babae.’’

“Salamat sa tulong mo, Ester. Kunin ko na lang cell number mo para matawagan kita.’’

“Paano mo ako tatawagan e wala ka namang cell phone?’’

“Makakabili rin ako may awa ang Diyos, Ester.’’

“Mabuti pa, ibigay ko sa’yo ang isa kong cell phone. Bago pa ‘yun. Bigay ng amo ko. Para magkatawagan tayo.’’

“Salamat Ester.’’

“Kailan ang balak mong umuwi sa probinsiya at ipahahatid kita sa mister ko.’’

‘‘Huwag na. Dadaan pa ako sa pinsan ko.’’

“Sige mag-ingat ka. Sandali at kukunin ko ang CP.’’

Nang maibigay ni Ester ang CP ay nagpaalam na si Manang. Mahigpit ang kanilang pagyayakap.

‘‘Tawagan mo ako Manang.’’

‘‘Oo. Salamat uli Ester.’’

MAKALIPAS ang dala­wang araw, nasa bahay ng kanyang pinsan si Manang at naghahanda na sa pag-uwi sa probinsiya nang biglang dumating si Alexis.

Tuwang-tuwa si Manang nang makita si Alexis.

‘‘Mabuti at lumuwas ka Alexis. Paano mo nalamang narito pa ako?’’

‘‘Nagbakasakali lang ako Manang. Meron lang akong binili rito sa Maynila para sa taniman namin ng gulay ni Tatay. Kumikita na ang vege­table farm namin.’’

‘‘Mabuti naman at mayroon kang pinagkakakitaan.’’

“Nakakaraos naman nang maayos Manang. Mas mabuti pa sa probinsiya at tahimik. Sariwa pa ang mga gulay.’’

“Kaya pala gumanda ang katawan mo lalo at pomogi pa.’’

‘‘Hindi naman Manang.’’

‘‘Siyanga pala meron akong ikukuwento tungkol kay Sir Nath.’’

“Ano yun, Manang?’’

“Ibibenta na ni Sir Nath ang mansion. Sa condo na lang daw titira kasama si Brenda.’’

(Itutuloy)

TRUE CONFESSIONS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with