Damo sa Pilapil(33)
NANG umalis si Manang Cion para tanungin si Mam Dulce kung kailangan itong dalhin sa ospital, hindi mapalagay si Zac. Ano kaya ang sakit ni Mam Dulce? Kawawa naman! Kahit hindi siya makapasok sa klase niya, puwede niyang bantayan sa ospital si Mam Dulce. Lahat ay gagawin niya para mapaglingkuran si Mam Dulce!
Nang bumalik si Manang Cion ay nakahinga nang maluwag si Zac.
“Hindi na raw kailangang maospital, Zac. Migraine lang naman daw. Magpapahinga lamang daw siya. Na-stress daw siya sa isang meeting niya kaya umatake ang migraine.’’
“Salamat naman at hindi pala malubha.’’
“Lagi siyang nagkaka-migraine. Parang binibiyak daw ang ulo niya sa sakit.’’
“Baka po ibibili siya ng gamot e lalabas ako para pumunta sa drug store.’’
“Walang sinabi. Basta magpapahinga lang daw siya.’’
“Ganun po ba?’’
“Pero itatanong ko rin mamaya at baka mayroong ipabibili.’’
“Kawawa naman si Mam Dulce. Kung hindi siguro namatay ang asawa niya e hindi siya mapapagod. Masyado kasi siyang stress sa trabaho ano Manang?’’
“Sa kanya kasi naiwan ang pamamahala. Tapos nga masakit pa ang pagkamatay ng kanyang anak noon at sinundan nga nang pagkamatay ng asawa. Nagkapatung-patong na ang problema niya.’’
“Kawawa naman si Mam Dulce.’’
“Kawawa talaga. Kaya kailangan ay may kasama siya rito.’’
“Wala po bang kamag-anak si Mam?’’
“Hindi ko alam. Hindi ko naitatanong sa kanya.’’
Napahinga si Zac.
Naisip niya na kawawa nga talaga si Mam Dulce kung nag-iisa rito. Dapat ngang narito siya para matulungan ito sa pagmamantini ng bahay. Hindi na ito magagampanan ni Mam.
(Itutuloy)
- Latest