Black Widow (155)
“MALAYO kasi iyon Mam,” sabi ng may-edad na drayber na parang humihingi ng paumanhin nang sabihin na P4,000 ang pasahe hanggang San Pablo.
“Okey lang Manong. Alis na tayo.’’
“Ako na ang babayad sa toll fee.’’
“Sige po Manong. Tayo na!’’
“Hindi na kayo dadaan sa fast food?”
“Hindi na. Tulog na itong pamangkin ko. Sa San Pablo na lang kami kakain. Marami ring restaurant doon.’’
“Okey po Mam.’’
Pinatakbo ng drayber ang taxi patungo sa Makati. Hanggang sa makarating sila sa Magallanes. Deretso na sa SLEX. Walang trapik. Mga isang oras at kalahati lang ay nasa San Pablo na sila. Pagdating sa San Pablo ay magdidyip na lamang sila patungong Nagcarlan. Kahit arkilahin niya ang dyip. Sabi ng kaibigan niyang taga-Nagcarlan, maraming dyip sa terminal.
Binalingan ni Jam si Iya. Tulog na tulog pa ito. Napangiti si Jam. Sana ay magising ito kapag nasa San Pablo na sila. Baka pagnagising ito habang nasa biyahe ay mag-iiyak at maalarma ang driver. Baka magpanik si Iya kapag nalamang malayo na sila.
Habang tumatakbo ang taxi ay kung anu-ano ang naiisip ni Jam. Kung hindi siya binalewala ni Jose, hindi mangyayari ito. Pumapayag na naman siyang maging “babae” nito pero niloko lang pala siya. Ginawa siyang tanga. Kung anu-ano ang ginawa niya pero nilalansi pala siya.
Ngayong hawak na niya si Iya, baka masira ang ulo ni Jose, ha-ha-ha!
Hanggang sa kumilos si Iya. Gising na yata! Noon ay nakalampas na sila sa Alabang. Hindi mapakali si Jam. Baka mag-iiyak ito. Baka kung ano ang gawin kapag nalamang malayo na sila.
Hanggang sa tuluyang magising ang dalagita. Nakatingin lang muna kay Jam. Parang nananaginip pa ito. Walang wisyo.
Hanggang sa magbalik ang ulirat.
“Tita Jam, nasaan po tayo?’’
“May pupuntahan lang tayo.’’
Natigilan si Iya. Parang hindi masapol ang sinabi ni Jam.
(Itutuloy)
- Latest