Sinsilyo (183)
“BASTA pagbutihin mo ang pag-aaral mo para makatapos ka at makapagturo. Kapag nagtuturo ka na at kumikita, sunduin mo ang tatay mo sa probinsiya para magkasama na kayo rito,’’ sabi ni Lolo Kandoy.
“Isasama rin kita Lolo. Kung hindi dahil sa’yo baka wala na ako.’’
“Kahit hindi mo ako isama. Baka ilang taon na lang at wala na rin ako. Matanda na rin kasi ako. Ang maha-laga lang sa akin ay matulungan ka dahil alam ko, mabuti kang bata. Kung alam kong tarantado ka, hindi kita tutulungan.’’
‘‘Salamat po Lolo. Napakabuti mo.’’
‘‘Mabuti ka rin kasi kaya ganito ako kabait sa iyo. Kaya nga galit na galit ako kay Mau at sa kabit niya at lalo na kay Dune Kastilaloy. Kung hindi lang masamang pumatay ay baka nahataw ko na ang mga hinayupak. Matagal na akong nagtitimpi kay Kastilaloy. Alam ko, siya lahat ang may pakana nito kaya ka binugbog at pinalayas ni Mau. Igaganti kita, Gaude pero hindi pa ngayon. Saka na lang kapag maayos na maayos ang lagay mo.’’
‘‘Huwag na Lolo at baka mapahamak ka. Okey na naman ako. Huwag ka nang gumanti. Hayaan na lang natin sila.’’
“Patitikimin ko lang sila para magtanda. Mahirap naman yung wala man lang silang matitikman na kahit kaunting sakit.’’
“Kasi iniisip ko baka ikaw ang mapasama dahil sa pagganti. Baka kung ano ang magawa mo e makulong ka.’’
Nagtawa ang matanda. “Hindi naman ako makukulong. Basta igaganti kita at walang mangyayari sa akin.’’
Hindi na nagsalita si Gaude.
Bago umalis si Tata Kandoy, binigyan niya ng pera si Gaude. Marami. Makapal. Nakatali ng lastiko. Pawang tig-iisang libo.
“Mas mabuti nang ikaw ang nagtatago niyan,’’ sabi ng matanda at nagpaalam na. Baka raw mapansin uli siya ni Kastilaloy.
ISANG araw, nagpaalam si Mau kay Dune Kastilaloy.
“Aalis muna ako, Tata Dune. Ikaw na muna ang bahala rito. Ingatan mo ang mga barya at para kay Lyka ang mga ‘yun. Kumusta ba ang mga matatanda. Okey ba naman sila?’’
“Okey na okey sila. Ako ang bahala rito, he-he-he!’’
“Sige Tata Dune, mga ilang araw akong wala.’’
‘‘Okey happy trip, he-he!’’
Umalis na si Mau.
Nakangisi si Kastilaloy.
(Itutuloy)
- Latest