Andi, emosyonal sa tinanggap na parangal ni Jaclyn Jose
Emosyonal si Andi Eigenmann nang tanggapin niya noong isang gabi ang Parangal ng Sining – Honorary Distinction para sa namayapa niyang ina na si Jaclyn Jose.
“Masaya po akong tumatayo rito para tanggapin ang parangal na ito para sa kanya. Maraming salamat po sa Film Development Council of the Philippines (FDCP) na kasalukuyan pinamumunuan ni Direk Jose Javier Reyes na ayaw patawag ng Chairman, kundi Direk Jose lang, sa pagbigay ng parangal na ito sa aking nanay, na si Jaclyn Jose,” umpisa ni Andi.
“Ako po ay pinagpala na lumaki sa mga kamay ng isang napakagaling na actress na ibinigay ang buong buhay, ang buong puso, ang buong kaluluwa niya sa paglikha ng mga pelikula at sa pag-arte.
“Masakit pa po sa akin na ako ang makakatanggap nito para sa kanya pero sigurado po ako na nakangiti po siya ngayon sa langit.
“She deserves this award and thank you so much for that recognition. Masaya ko pong ihihilera ito sa kanyang mahigit 50 na tropeo. Dahil sa kaniyang galing sa pag arte,” sabi pa niya.
Kabilang naman sa Parangal ng Sining: Lifetime Achievement Awardees sina Boots Anson Roa-Rodrigo, Dr. Nicanor Tiongson, lodualdo “Doy” del Mundo, Jr., Armando “Bing” Lao, Society of Filipino Archivists for Film (SOFIA), ABS-CBN Film Restoration (Sagip Pelikula) and Gloria Romero. (SVA)
- Latest