Pekeng auditions para sa pbb, FPJ’s Batang Quiapo, at High Street, nagkalat

Pinoy Big Brother

Niraraket na ng mga scammer ang audition ng PBB, Batang Quiapo at High Street.

Kaya naman naglabas na kaagad ng statement ang ABS-CBN – “Nakarating sa amin ang impormasyon na may mga indibidwal na nag-post sa social media ng pekeng auditions at casting calls para sa mga programa ng ABS-CBN na Pinoy Big Brother (PBB), FPJ’s Batang Quiapo, at  High Street.

“Nais po naming ipaalam sa publiko na walang kinalaman ang ABS-CBN sa mga pribadong audition at casting call na mga ito.”

Magsasagawa umano ang ABS-CBN ng unang audition para sa Pinoy Big Brother at Star Magic sa Abril 27 sa Robinsons Novaliches, Abril 28 sa Robinsons Las Piñas, at Mayo 4 hanggang Mayo 5 sa KCC Mall of Gensan.

Magkakaroon din ng on-ground auditions sa Visayas at Mindanao bukod sa online auditions.  “Antabayanan n’yo po ang aming official announcement.

“Ipo-post ang lahat ng updates tungkol sa auditions sa opisyal na Facebook (Pinoy Big Brother ABS-CBN), X (@PBBabscbn), Instagram (@pbbabscbntv), at YouTube (Pinoy Big Brother) accounts ng PBB.”

Walang casting calls o auditions naman ang isinasagawa para sa FPJ’s Batang Quiapo at High Street sa ngayon pagdidiin pa nila.

“Mahalaga sa amin ang inyong kaligtasan, Kapamilya. Hinihiling namin na mag-ingat ang lahat at iwasang makipag-ugnayan sa mga hindi awtorisadong indibidwal na nagsasabing nagdaraos sila ng mga audition o casting calls sa ngalan ng ABS-CBN,” dagdag pa sa statement ng ABS-CBN.

‘Wag pa-scam. Malinaw ang pahayag ng ABS-CBN tungkol dito.

Samantala, maingay ang isyung sa GMA 7 na mapapanood ang PBB sa muling pagbubukas ng Bahay ni Kuya.

Pero wala pang official statement tungkol dito si Direk Lauren Dyogi.

Show comments