'Finally!': Jhong Hilario nagtapos nang magna cum laude sa edad na 46
MANILA, Philippines — Ibinahagi ng TV host at komedyante na si Jhong Hilario ang pinakabago niyang milestone sa buhay — ang grumadweyt "with flying colors" sa kolehiyo kahit malapit nang mag-50 taong gulang.
"Virgilio 'Jhong' V. Hilario Jr. AB Political Science. Arellano University. Magna Cum Laude," sabi niya sa kanyang Instagram post kahapon.
Ibinahagi rin ni Jhong sa isang video na inilabas ngayong araw sa Youtube ang mga pinagdaanan niya simula nang muling mag-enrol sa Arellano University noong Agosto 2022.
Mula sa pagsabak sa mga online classes, hanggang sa thesis defense, ipinamalas ng konsehal ng Makati ang kagustuhan niyang makapagtapos ng pag-aaral — bagay na matagal na raw pangarap para sa kanya ng kanyang mga magulang.
Thesis partner ni Jhong ang kapwa lingkod bayan na si Caloocan Councilor Leah Bacolod.
"Of course masaya dahil pangarap ng parents ko sa akin na makapagtapos ng pag-aaral. After ilang years ko bago nagawa pero at least napakita ko pa sa kanila na ako ay nagtiyaga at tayo'y nag-aral para matupad 'yung mga pangarap nila sa akin dati," banggit niya pa.
"Nauna lang 'yung pagiging dancer natin, pagiging actor, pagiging host, sa showbiz, bago matapos 'yung pag-aaral. At least mareregaluhan ko sila."
Ginanap ang kanilang graduation ceremony sa Philippine International Convention Center sa Pasay City nitong Miyerkules.
Unang unang nakilala ang tinaguriang "Sample King" nang maging bahagi siya ng dance group na "Streetboys" noong dekada '90 hanggang sa mag-venture na sa seryosong pag-aartista.
Kasalukuyan siyang isa sa mga hosts ng Kapamilya noontime variety show na "It's Showtime."
- Latest