'Kahit UniTeam si Jinggoy': Jake Ejercito isinama anak sa Robredo campaign
MANILA, Philippines — Tuloy-tuloy na nga ang pangangampanya ng aktor na si Jake Ejercito para sa presidential candidacy ni Bise Presidente Leni Robredo at isinama pa nga ang anak niyang si "Ellie" — ito kahit na kumakandidato ang kapatid ng nauna sa katunggali ng nauna.
Martes lang nang isama ni Jake si Ellie sa kampanya ni Robredo sa probinsya ng Bataan at Olongapo. Si Ellie ay anak niya sa dating karelasyon at aktres na si Andi Eigenmann.
"When the one you are fighting for and the one leading the fight meet," sambit ni Jake sa kanyang Twitter post ngayong Miyerkules.
When the one you are fighting for and the one leading the fight meet ????????#OlongapoIsPink pic.twitter.com/jC51RtPXAO
— Jake Ejercito (@unoemilio) April 20, 2022
Tuwang-tuwa naman si Robredo nang isama ng aktor ang bulilit, na madalas daw panoorin ng nauna online.
"I'm your fan [Ellie]! I watch your videos!" wika ng bise sa video na ipinaskil sa Instagam.
"Thank you [Jake] for bringing her [in the campaign]."
Laging nakakasama si Ellie sa Youtube videos na ng inang si Andi sa channel na "Happy Islanders." Kasalukuyang nasa 2.47 milyon ang subscribers nito.
Masugid na tagasuporta ni Robredo si Jake, na madalas mag-post ng kanyang pagbabahay-bahay para ikampanya si VP sa pagkapresidente.
Dati nakasama ni Robredo si Jake sa isang town hall meeting kasama ang iba't ibang artista sa pelikula at telebisyon, kung saan pinag-usapan ang mga kinakaharap na problema ng mga nasa showbiz dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Half-brother ng aktor na si Jake si Jinggoy Estrada — na nasa ilalim ng UniTeam senatorial slate ni Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. Kilalang karibal ni VP Leni si BBM sa parehong posisyon. Supporter din ni BBM ang senatorial candidate na si JV Ejercito.
Sina Jake, JV at Jinggoy ay pare-parehong mga anak ng napatalsik na dating Pangulong Joseph "Erap" Ejercito Estrada. — James Relativo
- Latest