'Kahit nakarami na': Yam Concepcion tili to the max pa rin sa swab tests

Sa video na ito, napapaatras na lang habang sumisigaw ang aktres na si Yam Concepcion sa pagkuha sa kanya ng "swab sample" para sa COVID-19 testing
Video grab mula sa Instagram account ni Yam Concepcion

MANILA, Philippines — Hindi pa rin masanay-sanay sa pagsundot ng ilong ang Kapamilya actress na si Yam Concepcion — 'yan ay kahit nakararami na siya ng coronavirus disease (COVID-19) swab tests simula pa noong 2020.

Regular na nagkakaroon ng RT-PCR tests sa mga celebrities bago ang mga shoot, para na rin matiyak na hindi kumalat ang nakamamatay na virus sa mga set.

Pero para kay Yam, tila lumalala lang ang takot niya sa procedure habang inuulit-ulit ito.

"Eto nanaman tayo... nakailang swab [test] na ko pero parang palala ako ng palala. Pasenya na," biro ng aktres ngayong Biyernes sa kanyang Instagram post.

"May pa close up pa ah. Lol."

Halos ganyan din ang reaksyon ng aktres, na sumikat nang husto sa pagganap niya bilang kontrabida sa Kapamilya serye na "Halik," sa isang video noong ika-16 ng Disyembre, 2020.

Kitang-kita sa video ang mahigpit na hawak niya sa healthcare worker habang itinutusok ang maliit na patpat sa ilong na siyang kumukuha ng nasopharyngeal swab specimen.

"Sorry talaga!" sabay tawa ng aktres habang hamahagalpak ang mga nanunuod sa kanya.

View this post on Instagram

A post shared by Yam Concepcion (@yamconcepcion)

Inaasahang isa si Yam sa mga magiging tampok sa paparating na bagong serye ng Kapamilya Channel/A2Z Channel 11 na pinamagatang "Init sa Magdamag," na planong i-premiere ngayong Pebrero 2021.

Wala pa namang balita kung balak niyang magpakuha na lang ng saliva PCR tests sa Philippine Red Cross, bagay na walang aray at mas mura pa.

Hindi naman lahat ng artista ay ganyan ang reaksyon sa mga swab tests. Ang ilan, gaya ni Lorena Tolentino, sanay na sanay na nga raw dito.

"Sabi ko nga sa kanila, parang lumaki na ang butas ng ilong ko sa kaka-swab test," biro ni Lorna T sa media, na isa sa mga cast members ng "Ang Probinsyano" na going strong pa rin sa gitna ng pandemya.

Basahin: Lorna Tolentino, 'lumaki na ang ilong' sa kaka-swab test

Matatandaang nagpositibo na noon para sa COVID-19 ang ilang tanyag na personalidad sa Philippine showbiz gaya na lang nina Christopher de Leon, Iza Calzado, Sylvia Sanchez at direk Joel Lamangan. Lahat naman sila ay nag-recover na mula sa nasabing karamdaman.

Sa huling tala ng Department of Health (DOH) kanina, umabot na sa 533,587 ang tinatamaan ng virus sa Pilipinas. Halos 11,000 dito ang pumanaw na.

Show comments