Male personality, walang pagbabago sa bisyo
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - October 24, 2020 - 12:00am

Natural lang na may mga taong kapag bumagsak ay mabilis na nakababangon. Meron din namang mga taong walang kadala-dala. Bumagsak na nga ay tuluyan pa ring nagpapakabagsak.

Pinagkukuwentuhan sa isang lock-in taping ang isang kilalang male personality na pagkatapos mawalan ng trabaho, iwan ng pamilya at makaranas nang matinding kawalan, ay nagkaekis-ekis ang buhay at karera.

Kuwento ng isang impormante, “Siya rin naman kasi ang may kasalanan sa nangyari sa kanya, e, wala siyang puwedeng sisihin kundi ang sarili lang niya.

“Hindi naman ibang tao ang dahilan ng pagkakaganu’n niya. Matigas ang ulo niya, napakarami nang nagpapayo sa kanya na magpakatino, pero meron ba siyang pinakikinggan?” unang emosyonal na kuwento ng aming source.

Maraming tumulong sa male personality nang mangailangan siya ng ayuda. Hindi siya pinagdamutan ng mga kapwa niya artista, maraming iba pang tumulong sa kanya, hanggang sa makabawi na siya ng lakas.

Sultada uli ng aming source, “Pero bakit ganu’n? Dumating na nga siya sa point na halos mawala na siya kundi dahil sa mga tumulong sa kanya, pero bakit hindi pa rin naman siya nagbabago?

“May mga kuwento ang mga taong nakakakilala sa kanya na hanggang ngayon naman, e, meron pa rin siyang ginagawang hindi makabubuti sa katawan niya!

“Siya ang dapat unang tumulong sa sarili niya para makabawi siya, para maging maayos ang buhay niya, huwag siyang umasa sa mga taong nakatulong na sa kanya nu’n!

“Magsasawa ang mga tao sa pagtulong sa kanya kung ganyan na wala naman silang nakikitang magandang resulta! Tantanan na kasi niya ang mga bagay-bagay na naging dahilan ng pagbagsak niya.

“Gumalaw-galaw siya, kumilos siya, para makabalik siya sa mundong napakalaking suwerte ang ibinigay sa kanya. Hindi puwedeng ganyan na ayaw pa rin niyang kumalas sa hindi kagandahang kineso na ‘yan na na­ging reason kung bakit siya nagkaganyan!” naiinis pang kuwento ng aming source.

At may pahabol pang sundot ang aming impormante, “D’yan, d’yan siya dapat umiwas, ‘yan lang ang dapat niyang isaksak sa utak niya!”

Ubos!

Red tagging sa mga artista, nakakaalarma

Nasa mata ng bagyo ngayon si Liza Soberano. Kumbaga sa isang serye o pelikula ay siya ang bumibida. May mga nabanggit mang pangalan ng iba pang mga personalidad sa isyu ng red-tagging ay siya pa rin ang naging sentro ng usapin.

Ano ba ang kahulugan ng pangre-red tag sa isang tao? Minamarkahan siya. Binabantayan. Tinututukan siya dahil sa kanyang mga sinasabi at ginagawa.

Nagsalita si Lt. General Antonio Parlade ng Phil. Army, hindi pa raw naman miyembro ng NPA ang magandang aktres, hindi pa.

Pero nagbabala ang heneral kay Liza, Catriona Gray at kay Ella na kapatid ni Angel Locsin na huwag na huwag silang papasok sa makakaliwang grupo. Meron itong binanggit na babaeng miyembrong napatay.

Pero ano ba ang pinag-ugatan ng pagbababala ng heneral kay Liza? Ang pagbibigay lang ‘yun ng aktres ng mensahe sa isang piging ng mga mi­yembro ng grupong Gabriela tungkol sa kanyang adbokasiya ng pagtatanggol sa karapatan ng mga kababaihang nagiging biktima ng karahasan at panghahalay.

Minsan nang may nagbanta kay Liza ng karahasan, mula nu’n ay itinuring na niyang adbokasiya ang pagtatanggol sa mga kababaihang walang kalaban-laban, nang dahil lang du’n ay mamarkahan na si Liza Soberano?

Sa pagkakaalam namin ay nabubuhay pa rin tayo sa demokrasya at bahagi nu’n ang ibinibigay na kalayaan sa ating pamayanan na magsalita, basta wala tayong winawasak na mga alituntunin ng Saligang-Batas.

Hanggang para sa mas nakararami ang ating pahayag at hindi natin tinutuligsa ang mga pinaiiral na batas ay walang krimen. Wala dapat pagbabanta. Walang pananakot.

Nakakaalarma ang red-tagging na ito. Maglabas lang ng saloobin ang kahit sino ay pagbibintangan nang miyembro ng New People’s Army. Agad-agad na siyang paghihina­laang komunista. Makakaliwa na!

Agarang sumagot ang kampo ni Liza Soberano sa pamamagitan ng kanyang abogado. Walang ibang layunin ang magandang aktres kundi ang ipagpatuloy lang ang kanyang adbokasiya laban sa mga lalaking naglulugso ng dignidad ng mga kababaihan.

Pagiging komunista na ba ang ganu’n? Miyembro na ba ng makakaliwang grupo ang paglalabas ng saloobin at opinyon na buong bayan naman ang makikinabang?

Aysus naman!

JOBLESS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with