Morissette, Michael at MOR DJs, nag-MOR-aming thank you

MANILA, Philippines - Pasasalamat at pagmamahal ang pangunahing mensaheng nais iparating ng bagong Christmas Station ID jingle ng official FM radio station ng ABS-CBN na My Only Radio (MOR) 101.9 For Life! Inawit ito ng dalawa sa pinakamahuhusay na bagong mang-aawit sa bansa na sina Morissette at Michael Pangilinan.

“Sobrang honored po kami na napiling kumanta para sa number one FM station sa Pilipinas ngayon. Napakasarap po sa pakiramdam na hindi ko lang po naibabahagi ang talent ko, kundi napapasaya ko pa ang iba sa pamamagitan ng mga kinakanta ko katulad po nitong MOR Christmas jingle,” pahayag ni Morissette.

“Katulad ng pasasalamat ng MOR sa kanilang listeners, nagpapasalamat rin po ako na ang isang katulad ko pong bago sa industriya ay nabigyan ng pagkakataong kantahin ang isang kanta na madalas pinatutugtog nationwide at worldwide sa pamamagitan ng internet,” sabi ni Michael.

Base sa Kapamilya, Thank You Christmas Station ID ng ABS-CBN, hatid ng MOR Christmas jingle ang mensaheng, MORaming thank you, Ang Babait Ninyo para sa bawat listener na ginawang bahagi ng kanilang pang-araw-araw na buhay ang istasyon, mga programa, at DJs.

Samantala, ready nang magregalo ng saya at papremyo ang MOR ngayong Disyembre sa pamamagitan ng MOR Live Kapamilya Paskong Pasasalamat,  MOR Christmas Eyeball, at My Only Regalo Promo. 

Gaganapin ang MOR Live Kapamilya Paskong Pasasalamat sa Disyembre 6 (Sabado), 7PM sa ABS-CBN Compound. Ang MOR Christmas Eyeball  naman ay mangyayari sa Disyembre 13 (Sabado), 3PM sa Enchanted Kingdom sa Sta. Rosa, Laguna.

Dadagdagan naman ng MOR roving DJ na si Eva Ronda ang excitement ng Pasko sa pamamagitan ng My Only Regalo Promo na magaganap araw-araw mula Disyembre 8 (Lunes) hanggang Disyembre 19 (Biyernes). Sa loob ng 12 araw, reregaluhan ni Eva ang 12 swerteng pamilya sa Metro at Mega Manila na loyal listeners ng MOR. Ang mapipiling pamilya ay mananalo ng appliances gaya ng TV, audio component, at rice cooker.

Show comments