P2M abot kamay na ng IT auditor

MANILA, Philippines - Isang 24 years old na IT auditor mula sa Sampaloc, Manila ang nalalapit na sa jackpot na dala­wang milyong piso sa sikat na TV5 game show na Who Wants to be a Millionaire? ni Bossing Vic Sotto.

May walong beses na ring sinubukan ni Eduardo Pajinag ang maupo sa inaasam na Who Wants to be a Millionaire? hot seat, at sa darating na Linggo ay dalawang tanong na lamang ang kailangan niyang sagutin para makamit ang P2 million grand prize.

Nakapanalo na siya ng P600,000 nang matapos ang episode noong isang Linggo pero nanganganib siya dahil wala na siyang lifeline na puwedeng gamitin patungo sa dalawang milyong piso. Kung hindi siya makasagot ng tama, uuwi siya na may hawak lamang na P20,000.

“Try and try again until you succeed” ang katagang isinapuso ni Eduardo para mabigyan ng ganitong pagkakataon.

Masusing hinihimay ni Eduardo ang mga tanong na binabato sa kanya ni Bossing Vic at tiyak masusubukan ang talino ng accountancy graduate mula sa University of Sto. Tomas.

Mananalo na ba si Eduardo ng dalawang mil­yong piso o uuwi siyang luhaan? Mapapanood ang kanyang kapalaran ngayong Linggo, 7 p.m., sa TV5.

Show comments