Andrew Wolf kulong sa pagnanakaw ng baril
Holy Week na Holy Week pero nakakulong sa Boracay si Andrew Wolf dahil sa akusasyon na ninakaw niya ang baril ng isang security guard.
Nag-deny na si Andrew at iba ang kanyang version. Hindi niya ninakaw ang baril. Tinutukan daw siya ng baril ng security guard kaya inagaw niya ang armas.
Magkaibang-magkaiba ang version pero nakalagay sa police report na robbery ang kaso ni Andrew dahil sa kanyang ginawa. Dinala siya kahapon sa Kalibo para magpiyansa at masampahan ng kaso.
Mabilis na kumalat ang nangyari kay Andrew dahil maraming reporter ang nagbabakasyon sa Boracay.
Sa dami ng mga bakasyonista sa Boracay, imposibleng hindi nila malaman ang eskandalo na kinasangkutan ni Andrew.
Nasa Boracay si Gorgy Rula at ang crew ng Startalk, Nandoon din si Lhar Santiago at ang crew ng 24 Oras. Hinding-hindi puwedeng ilihim ang kaso ni Andrew.
* * *
Kung itutuloy ng security guard ang pagsasampa ng kaso, mahihirapan si Andrew dahil mapapadalas ang pagpunta niya sa Kalibo para sa hearing ng robbery case.
Ang layu-layo ng Kalibo mula sa Metro Manila. Tiyak na gagastos si Andrew sa plane fare, hotel accommodation at sa abogado na magtatanggol sa kanya.
Puwedeng makatipid si Andrew kung taga-Kalibo ang lawyer na hihingan niya ng tulong.
Kung hihingi ng tawad si Andrew, baka sakaling lumambot ang puso ng nagdemanda at patawarin siya. Malaki ang matitipid niya kung magiging forgiving ang security guard.
* * *
Type na type ni Lea Salonga na siya ang kumanta ng Philippine National Anthem sa laban nina Manny Pacquiao at Ricky Hatton sa Las Vegas sa May 2.
Napanood ko sa TV ang interview kay Lea na nagpakita ng sobrang excitement. Malaking karangalan daw kung siya ang kakanta ng Lupang Hinirang.
Hindi na matutupad ang wish ni Lea dahil may pinili na si Manny. Si Martin Nievera ang kanyang final choice para kumanta ng Philippine National Anthem.
Sa totoo lang, parehong mahusay na singer sina Lea at Martin. Mas bongga kung parehong sila ang kakanta ng Lupang Hinirang. Hindi ba puwedeng mag-duet na lang sila para mapagbigyan si Lea na world-class talent at pride din ng ating bayang magiliw?
* * *
May nag-react sa isinulat ko kahapon tungkol kay Charlene Gonzales. Nag-react siya sa aking opinion na dapat maging role model si Charlene dahil ipinagpapatuloy nito ang kanyang pag-aaral.
Tama ba na mag-react ang isang reader na padalus-dalos? Bakit ko raw pinalalabas na role model ang mga artista na nag-aaral sa abroad?
Daay, hindi mo naintindihan ang isinulat ko. Wala akong sinabi na dapat maging role model ang mga artista na nag-aaral sa abroad. Ibinigay ko lang na good example sina Charlene at Nanette Medved dahil nakatapos sila ng pag-aaral. Wala akong sinabi na dapat silang maging role model dahil nag-aral sila sa ibang bansa. Inuulit ko, bilib ako sa mga artista na tinapos ang kanilang pag-aaral. Magbasa munang mabuti bago mag-react hane?
Ayaw ni BB nang ganyan. You’re putting words into my mouth!
- Latest