Angat sa iba si Michael Laygo

Isa siya sa mga orihinal na Starbrighters, ang youth-oriented TV show na naghasa sa kanya upang marating niya ang kanyang kinalalagyan ngayon. Abala sa pagiging regular host ng Lunch Break sa Channel 13, si Michael Laygo ay masasabing nakakaangat na sa iba niyang naging kasamahan o kasabayan. Bukod sa telebisyon, may sarili na siyang mga tagasubaybay sa larangan ng recording.

Sa kasalukuyang humahataw si Michael sa entertainment dahil sa kanyang hit single "Naririto Ako" na galing sa kanyang album mula sa Asiatec Music Productions. Madalas na itong marinig sa radyo at paboritong hilingin sa shows ni Michael sa mga probinsya at promo tours sa abroad na kung saan ay maraming mga OFWs. Karamihan ng mga awitin sa album ay likha ni Sunny Ilacad na siya ring namamahala ng Asiatec.

Nasa promo stage na si Michael para sa kanyang second single "Hinding-hindi Iibig Sa Iba" na mula rin sa nasabing album. Tulad ng "Naririto Ako," inaasahang magiging malaking hit din ito na lalo pang magpapaangat sa career ni Michael. Pangmasa ito at nalalarawan ng pagiging romantiko ng mang-aawit sa tunay na buhay.

Ipinamamahagi ng Concorde Records, ang album ay mabibili sa CDs at cassettes sa buong kapuluan. — Zar Baisas

Show comments