2 todas, 1 pa sugatan sa pamamaril sa Quezon province
CAMP NAKAR, Lucena City, Philippines — Dalawa ang patay at isa ang malubhang nasugatan sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa bayan ng Sariaya ayon sa ulat ng Quezon Police Provincial Office (QPPO) kahapon.
Base sa ulat ni QPPO Director PCol.Ledon Monte, ang unang insidente ay nangyari sa Barangay Sampaloc 2.
Natutulog umano dakong alas-7:30 ng gabi sa loob ng kanyang bahay ang vendor na si Jayson Alzona, 37, nang pasukin ng suspek na si alyasReymart, 27 ng Barangay Sampaloc 1.
Pagkakita sa biktima ay malapitan itong binaril sa batok ng suspek saka mabilis na tumakas bitbit ang hindi pa batid na kalibre ng baril na ginamit sa krimen.
Nasa harapan naman ng isang tindahan sa Sitio Ilang-ilang, Barangay Bignay 2 dakong alas-11:30 ng gabi si Emmerson Roño, 42 ng Barangay Manggalang 1 nang pagbabarilin ng hindi nakikilalang kalalakihan.
Patay agad ang biktima dahil sa mga tama ng bala ng kalibre 45 sa ibat ibang parte ng katawan habang tinamaan din ng bala sa katawan at ngayon ay ginagamot sa Quezon Medical Center (QMC) sa Lucena City ang kaibigan nitong si Pryan Buela, 42.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya kasabay ng pagtugis sa mga salarin.
- Latest