Mayor, VM at 2 konsehal sa Cabiao, Nueva Ecija kinasuhan ng ‘graft’
MANILA, Philippines — Kinasuhan ng “graft” sa Office of the Ombudsman ang alkalde, bise alkalde at dalawang incumbent na konsehal ng Cabiao, Nueva Ecija dahil sa “pambubulsa” ng milyong pisong pondo ng kanilang bayan.
Sa 54-pahinang reklamong isinampa sa Ombudsman nina Councilor Julito “Jumar” Wycoco at indie film director Noel Montano na kilala sa social media bilang “El Tarik”, sina Cabiao Mayor Ramil Rivera, Vice Mayor Marcelino Simbillo, Councilor Rav Kevin Rivera, dating Sangguniang Kabataan Federation President Leonard James Galang at businesswoman Ma. Luisa S. Galang ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 3019 o’ ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act; RA 6713 o’ Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees and the Local Government Code of 1991.
Batay sa reklamo, nakapagpatayo ng M.S. Galang’s Gasoline Station sa Brgy. San Roque, Cabiao si Ma. Luisa Galang mula umano sa pondo ng bayan at sa pagiging kaanak ng mga namumunong local officials.
Lumilitaw na si Mayor Rivera ang ama ni Konsehal Rav Kevin Rivera, na manugang ni Ma. Luisa. Si Vice Mayor Simbillo ay kapatid naman ni Ma. Luisa, at ang dating SK Federation President na si Leonard James ay anak ng nasabi ring businesswoman.
Nakapaloob sa liham ni Mayor Rivera kay Vice Mayor Simbillo at anak na si Councilor Rav Kevin Rivera, na chairman ng Committee on Finance of the Sangguniang Bayan (SB) na isama sa agenda ang resolusyon na nag-aapruba sa bayarin na P5,000,000 sa gasolina at langis, kuryente, tubig at iba pa para sa taong 2022.
Ayon kay Wycoco at Montano, nito lamang nila nalaman na magkakaanak pala ang kanilang mga opisyal ng bayan, kaya naman may isang transaksiyong naka-record ang kanilang nakuha na kabuuang halaga na P1,309,555.10 na dapat bayaran ng gasolinahang pag-aari ni Galang.
Iginiit pa ni Mayor Rivera na dagdagan ang pondo para sa gasolina at kuryente dahil sa pagtaas ng presyo ng mga ito subalit sinabi ni Konsehal Wycoco na sapat ang kanilang pondo.
- Latest