Ama patay, anak sugatan sa pagsabog
Habang namumulot ng uling
MANILA, Philippines — Isang 58-anyos na tatay ang namatay habang sugatan ang anak nito nang isang pagsabog ang naganap sa Kabankalan City, Negros Occidental nitong Lunes ng gabi.
Makalipas ang ilang oras sa ospital, binawian ng buhay ang biktimang si Remy Libo-on, habang patuloy pang nagpapagaling ang anak nitong si Arnel, 34, residente ng Purok Lomboy, Barangnay Oringao nasabing lugar.
Sa ulat ni Police Lt. Col. Roberto Indiape Jr., hepe ng Kabankalan Municipal Police Station (MPS), naganap ang insidente dakong alas-7 ng gabi nitong Lunes.
Nagsasako ng uling ang mag-ama nang bigla na lang may sumabog na nagresulta sa pinsala sa katawan ng mag-ama.
Mabilis namang isinugod sa Lorenzo D. Zayco District Hospital sa Kabankalan City ang mag-ama subalit nitong Martes ay nasawi ang padre de pamilya dahil sa tinamong pinsala sa ulo.
Hanggang sa ngayon ay inaalam pa ng pulisya ang sanhi ng pagsabog at patuloy ang kanilang imbestigasyon hinggil sa insidente.
- Latest