Mister tumalon sa rooftop habang tumatakas, tepok!
Matapos saksakin ang kinakasama
BAGUIO CITY , Philippines — Isang mister na sumaksak sa kanyang live-in partner ang patay matapos na tumalon sa rooftop ng isang gusali habang tinatakasan nito ang mga humahabol na pulis sa Kayang Street ng Baguio City Public Market.
Ang suspek na itinago ng pulisya ang pagkakakilanlan ay 37-anyos habang 46-anyos ang nasaksak na biktima.
Ang partners ay kapwa empleyado ng magkaibang food establishment sa Baguio City.
Sinabi ng Baguio Police na nagalit ang lalaki makaraang umuwi ng “late” sa kanilang apartment ang biktima sanhi ng kanilang pagtatalo hanggang sa saksakin ng una ang kinakasama sa balikat at dibdib.
Ang komosyon sa bahay ng maglive-in partner ay narinig ng mga kapitbahay na siyang tumawag ng tulong sa himpilan ng pulisya na may ilang metro lang ang layo.
Nang dumating ang mga pulis, mabilis na tumakbo ang suspek at umakyat sa roof deck ng 5-storey building at sinubukan niyang tumalon patungo sa katabing bubong ng isa pang gusali. Gayunman, dahil sa madilim, hindi natantya ng suspek ang distansya ng pagtalon kung kaya tuluy-tuloy na bumagsak sa lupa.
Ang nasaksak namang biktima ay nakalabas na ng ospital matapos malapatan ng lunas.
Lumalabas na hindi ito ang unang pagkakataon na sinaktan ng mister ang kanyang kinakasama.
- Latest