Mayor ng Noveleta, inireklamo ang sariling anak
CAVITE, Philippines — Pormal na naghain ng reklamo sa Commission on Election ang kasalukuyang alkalde ng bayan ng Noveleta laban sa kaniyang sariling anak na gusto umanong sumabak sa pulitika.
Sa ulat, sinampahan ni Mayor Dino Chua ng Noveleta, Cavite ng reklamo ang sariling anak na si Dhino Carlo Paredes Chua Jr. sa Comelec noong Abril 5 hinggil sa paghahain ng permanent voting residency ng huli.
Ipinahayag ng mayor ang mariin nitong pagtutol sa aplikasyon ng pagpaparehistro ng kaniyang anak sa bayan ng Noveleta.
Sinabi nito na hindi umano lehitimong naninirahan sa isang subdivision sa bayan ng Noveleta ang kaniyang anak kaya wala itong karapatan na maghain ng voting residency sa kaniyang bayan.
Napag-alaman na may interes sa pagpasok sa pulitika ang nakababatang Paredes na hindi sinasang-ayunan ng kanyang amang alkalde.
Sa pahayag ng alkalde, wala pa umano sa tamang panahon na pumasok ang anak sa pulitika. Giit niya bilang ama, ayaw niya itong mangyari dahil sa kasalukuyan ay nag-aaral pa lang ang anak sa high school.
- Latest