Marijuana sa parcel, nadiskubre ng rider
CAVITE, Philippines — Isang parcel na naglalaman ng bultong marijuana na nakatakda sanang ideliver ang nadiskubre ng isang Lalamove sa Rodriguez, Rizal, noong Huwebes ng hapon.
Ayon sa pulisya, alas-3 ng hapon kamakalawa nang makatanggap ng booking sa Lalamove Apps ang rider na si alyas Josh, 27, ng Caloocan City. Sa may Brgy. Langkaan 2 nito pinik-ap ang nasabing parcel mula sa isang alyas “Gerard”.
Nakapangalan naman bilang receiver ng parcel ang isang Ismael Loria ng Block 117, Lot 46, Southville 8B Phase 1, Barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal.
Alas-7 na ng gabi nang dumating ang rider sa Rizal subalit inabot na umano siya ng oras sa katatawag sa cellphone sa receiver pero hindi ito makontak.
Dito na nagduda ang rider hinggil din sa kakaibang amoy ng parcel dahilan upang buksan na niya ito at dito na tumambad ang isang Ziplock na transparent plastic na naglalaman ng mga marijuana. Nataranta siya at nagdesisyong dalhin ito sa Rodriguez, Rizal Municipal Police Station.
Sinamahan naman nina Police Sergeant Paul Joseph Cruz at Corporal Dick Arado, kapwa ng Rodriguez Police Station si Josh pabalik ng Dasmariñas City kung saan na-pick up ang parcel at dumiretso sila sa Dasmariñas Police.
Umabot sa 150 gramo ng marijuana ang laman ng parcel na may halagang P18,000.
- Latest