‘Most wanted’ ng DILG, timbog sa Bulacan
ANGAT, Bulacan, Philippines — Naaresto ang isang magsasaka na kabilang sa National Most Wanted Person ng Department of Interior and Local Government (DILG) na may P135,000 monetary reward nang silbihan ng warrant of arrest ng mga awtoridad sa bayang ito kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang wanted na si Freddie Arrizobal alyas “Dodong”, 39, tubong Masbate at kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Laog, Angat, Bulacan.
Sa report kay Bulacan Police director Relly Arnedo, isinilbi ang warrant ng tracker team ng PNP Intelligence Group-Foreign and Intelligence Liaison Division katuwang ang Angat Police, PIU Bulacan, 2nd Provincial Mobile Force Company Bulacan, PIT RUI5, Palanas Police ng Masbate PPO at Palanan Sub-Station Makati City Police dakong alas-9:30 ng gabi sa Brgy. Laog.
Ang warrant sa kasong murder na walang inirekomendang piyansa ay inisyu ng Regional Trial Court 5th Judicial Region, Branch 45, Masbate City noong Abril 17, 2023.
- Latest