Tangke ng LPG sumabog: 2 paslit natusta!
CAVITE, Philippines — Patay ang magkapatid na batang babae makaraang matusta sa naganap na sunog bunsod ng hinihinalang pagsabog ng tangke ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) sa loob ng kanilang tahanan sa Brgy. Biluso, bayan ng Silang, dito sa lalawigan, kamakalawa.
Kinilala ang mga nasawi na sina Rhian Barrientos, 4-anyos, kindergarten pupil, at kapatid nito na si Rhyle Barrientos, 3-anyos; kapwa residenteng Purok 1, Brgy. Biluso, Silang, Cavite.
Sa ulat ng Silang Police, nagmistulang uling na ang katawan ng magkapatid na nene nang marekober matapos ang may mahigit sa isang oras na sunog na tumupok sa kanilang bahay.
Sa ulat ng Silang Police, nagsimula ang sunog dakong alas-3 ng hapon na ayon sa mga kapitbahay ay isang malakas na pagsabog muna ang kanilang narinig na hinihilang mula sa LPG bago sumiklab ang sunog sa bahay ng mga biktima.
Sa pahayag ng ina ng magkapatid na si Geraldine, iniwan umano niya ang dalawang anak sa loob ng kanilang bahay upang maghanap ng mga kahoy. Subalit nang bumalik siya ay nakita na niyang nagkakagulo sa kanilang lugar at nasusunog na ang kanilang bahay.
Hindi na nagawang mailigtas ang magkapatid na nakulong sa lumalagablab na apoy sa kanilang bahay.
Nadamay naman ang katabing bahay sa sunog na tumagal ng mahigit sa isang oras bago tuluyang naapula, ayon sa Bureau of Fire Protection.
Posible umanong ang tangke ng LPG ang sumabog at pinagmulan ng sunog.
Agad namang dumating si Silang Mayor Kevin Anarna sa lugar at agarang nagbigay ng kaukulang tulong at suporta sa ina ng dalawang batang namatay.
- Latest