2 bebot utas sa ambush sa Central Mindanao
COTABATO CITY , Philippines — Dalawang babae ang patay sa magkahiwalay na insidente ng ambush sa Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur nitong Huwebes ng hapon at sa Midsayap, Cotabato nitong umaga ng Biyernes.
Unang napatay ng mga armadong kalalakihan nitong Huwebes sa Barangay Salbo, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur matapos pagbabarilin si Aloha Sandigan, na kaangkas sa isang motorsiklo ni Esmael Ebus, na malubhang nasugatan sa naturang insidente.
Sa ulat nitong Biyernes ni Maguindanao police director Col. Roel Sermese, mabilis na nakatakas ang mga bumaril sa dalawa habang padaan sa isang bahagi ng highway sa Barangay Salbo, hindi kalayuan sa munisipyo ng Datu Saudi Ampatuan.
Ang insidente ay sinundan ng pagkakapatay kay Mary Jane Quimot Macunan sa isa ring pananambang nitong madaling araw ng Biyernes sa Lapu-Lapu Street, Barangay Poblacion, Midsayap, Cotabato na nagsanhi ng pagkasugat ng kanyang live-in partner na si Anthony Mariano.
Ayon kay Lt. Col. John Miridel Calinga, hepe ng Midsayap Police Station, magkaangkas sa motorsiklo sina Macunan at Mariano pauwi sa kanilang tahanan nang pagbabarilin ng mga armado habang padaan sa isang bahagi ng Lapu-Lapu Street.
Katulad nang naganap na ambush nitong Huwebes sa hindi kalayuansa Barangay Salbo sa Datu Saudi Ampatuan, mabilis ding tumakas ang mga nag-ambush sa maglive-in partner na sina Macunan at Mariano.
- Latest