Sanggol kinatay, tatay nagsaksak sa sarili
Dahil sa away mag-asawa
COTABATO CITY, Philippines — Dahil umano sa galit sa misis matapos ang kanilang mainitang pagtatalo, kinatay ng isang mister na sinasabing lulong sa shabu ang kanilang sariling sanggol na ikinamatay nito saka siya nagsaksak sa sarili sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Tikalaan, Talakag, Bukidnon nitong Lunes.
Sa ulat nitong Miyerkules ng Police Regional Office-10, sinampahan na ng kasong parricide ang suspect na kinilalang si Ferdinand Catoto na mahigpit na ginuguwardyahan ng mga kasapi ng Talakag Municipal Police Station sa ospital habang nagpapagaling matapos niyang saksakin ng kutsilyo ang sarili nang mapatay niya ang kanyang 1-anyos na anak na babae.
Ayon sa Talakag Municipal Police Station at sa Bukidnon Provincial Police Office, nagkaroon ng pag-aaway si Catoto at kanyang kabiyak dahil sa iba’t ibang problema sa pamilya sanhi upang umalis sa kanilang tahanan ang ginang.
Dahil dito, tila naburyong ang mister na sinasabing adik hanggang sa napagbuntungan ng galit nito ang sanggol na anak. Agad niyang sinaksak ng kutsilyo ang walang muwang na beybi at nang makitang patay na ang bata ay sinaksak naman nito ang sarili.
Nadatnan ng mga rumespondeng pulis ang sanggol na wala nang buhay habang duguan ang tatay na suspek kaya isinugod sa ospital.
- Latest