P13.3 bilyong shabu nasabat sa checkpoint!
MANILA, Philippines — Umaabot sa dalawang tonelada ng shabu na nagkakahalaga ng halos P14 bilyon ang nasamsam matapos maharang sa police checkpoint ang isang van sa highway ng Brgy. Pinagkurusan, Alitagtag, Batangas nitong Lunes ng umaga.
Sa inisyal na ulat na tinanggap ni PNP chief P/Gen. Rommel Francisco Marbil, ang bulto ng droga ay nadiskubre sa isang kulay abong van na may plakang CBM 5060 na minamaneho ni Ajalon Michael Zarate, 47 taong gulang, may asawa at residente ng Rizal St, Project 4, Quezon City.
Bandang alas-9:10 ng umaga, ayon kay Marbil nang maharang sa checkpoint ang van na naglalaman ng mga sako-sakong droga na nasa P13.3 bilyon ang halaga.
Sa isinagawang pag-iinspeksiyon ng mga awtoridad, tinanong nila ang driver kung ano ang kargamento na tinatakpan ng makakapal na kulay asul na mga sako sa loob ng van subalit napansin ang pamumutla at pagkabalisa ng driver.
Dito na sinuri ng mga pulis ang laman ng van at tumambad sa kanila ang malalaking plastic bags na naglalaman ng mga shabu.
Agad na nagtungo sa lugar sina Department of Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr., PNP chief Marbil at Calabarzon Police director P/Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas at ininspeksyon ang bulto-bultong droga.
Base sa initial screening na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), sinabi ni Abalos na nakumpirmang ang mga nakumpiskang kulay puting epektos ay shabu na tumitimbang ng dalawang tonelada.
Ayon kay Abalos, ang naturang bulto ng droga ay sasailalim sa imbentaryo bago ito tuluyang isailalim sa pagwasak o pagsunog upang hindi na mapakinabangan pa.
Pinapurihan naman ni Abalos ang Alitagtag Municipal Police Station (MPS) sa pamumuno ni Captain Luis de Luna Jr. matapos ang matagumpay na pagkakakumpiska ng P13.3 bilyong shabu. Inihayag nito na gagawaran ng spot promotion si De Luna sa nasabing achievement.
Sinabi ni Abalos na dahil sa pagkakarekober ng 2-toneladang shabu, nasa tamang landas ang bansa tungo sa matagumpay na hakbang kontra illegal drugs.
- Latest