Eid’l Fitr sa Mindanao, mapayapa

Malaking bilang ng mga kapatid na Muslim ang dumalo sa isinagawang Eid’l Fitr prayers sa Camp Siongco sa Barangay Awang, Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao del Norte nitong Miyerkules.
John Unson

COTABATO CITY, Philippines — Mapayapa ang Eid’l Fitr congregational prayers sa iba’t ibang lugar sa Central Mindanao at sa Bangsamoro region nitong umaga ng Miyerkules.

Ang selebrasyon ng mga nananampalataya sa Islam ng Eid’l Fitr ay hudyat ng pagtatapos ng Ramadan, kung saan sila ay nag-aayuno sa araw sa loob ng isang buwan bilang sakrispisyo at religious obligation.

Sa mga hiwalay na pahayag nitong Miyerkules ng hapon ni Army Major Gen. Alex Rillera, commander ng 6th Infantry Division, at ni Bangsamoro police director Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, walang ano mang hindi kanais-nais na insidente ang nakaapekto sa Eid’l Fitr congregational prayers ng mga Muslim sa mga lungsod at mga probin­syang nasasakupan.

Ayon sa dalawang opisyal, suportado ng mga Kristiyanong mayors at mga local officials na kasapi ng mga etnikong tribong hindi Moro ang kanilang security operations para sa Eid’l Fitr congregational prayers sa Central Mindanao at sa anim na probinsya at tatlong mga lungsod ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Kabilang sa mga pinasalamatan nina Rillera at Tanggawohn na tumulong sa pagpapatupad ng kaayusan sa selebrasyon ng Eid’l Fitr sa kani-kanilang mga lugar ay ang mga hindi mga Muslim na sina Rolly Sacdalan at Evangeline Guzman na mga mayor ng Midsayap at Kabacan sa Cotabato, ayon sa pagkakasunod, at si Mayor Roderick Furigay ng Lamitan City sa Basilan.

Show comments