Nursing students nag-joyride: 1 patay, 10 sugatan
SUV overloaded, bumaliktad
MANILA, Philippines — Nauwi sa trahedya ang joyride ng mga medical students matapos na masawi ang isang nursing student habang sugatan ang 10 iba pa nang bumaligtad ang kanilang sinasakyang sport utility vehicle (SUV) Huwebes ng hapon sa Balamban, Cebu.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Angelu Mae Omayao Pateres, 21, nursing student ng University of Cebu-Banilad Campus at siyang nagmamaneho ng SUV habang ginagamot sa ospital ang 10 iba pang estudyante.
Lumilitaw sa imbestigasyon ng Balamban Municipal Police Station, nangyari ang aksidente dakong alas-5:30 ng hapon sa Brgy. Gaas, Balamban, Cebu.
Minamaneho ng biktimang si Pateres ang Toyota Fortuner at tinatahak ang Transcentral Highway nang mawalan umano ito ng kontrol sa manibela dahil sa pag-iwas sa sasakyang nasa unahan.
Gayunman, sinabi umano ng ilang mga nakasaksi na mabilis ang takbo ng SUV sa pakurbadang bahagi ng daan kaya nawalan ng kontrol sa manibela si Pateres hanggang sa gumewang, tumagilid at bumaligtad ito sa kalsada.
Ayon sa mga imbestigador, galing sa Cebu City ang sasakyan at patungo sa Asturias nang mangyari ang insidente.
Napag-alamang overloaded din ang SUV dahil 7 lamang ang capacity nito habang nasa 11 ang sakay nang mangyari ang aksidente.
- Latest