2 lalaki utas sa pamamaril
CAMP NAKAR, Lucena City, Philippines — Dalawang lalaki ang namatay sa pamamaril sa magkahiwalay na bayan sa lalawigan ng Quezon, kamakalawa.
Ayon sa ulat ni Quezon Police Provincial Office (QPPO) Director PCol. Ledon Monte, kinilala ang unang biktima na si Manuelito Junio, 41 ng Barangay Anoling General Nakar, Quezon.
Sa imbestigasyon ng Infanta Police, alas-6:20 ng umaga ay sakay ng Suzuki Smash Motorcycle ang biktima at binabagtas ang kalyeng sakop ng Purok Narra, Barangay Pilaway, Infanta Quezon nang buntutan ito ng isang kotseng Sedan na kulay gray at pinaulanan ito ng punglo ng hindi nakikilalang suspek na nakasakay doon.
Matapos matiyak na patay na ang biktima ay mabilis na tumakas ang kotse patungo sa direksyon ng Real, Quezon.
Nanonood naman ng telebisyon sa terrace ng kanyang bahay sa Barangay Sumalang Lopez, Quezon si Rogelio Arganda, 58, nang pagbabarilin ng kapitbahay na si alyas Louielito dakong alas-8:30 ng gabi.
Tumakas ang salarin patungo sa bulubunduking bahagi ng nasabing barangay matapos isagawa ang krimen.
Ayon sa pulisya, bago ang pamamaril sa biktima ay nasangkot ito sa insidente ng panghahalay sa anak na babae ng kanyang stepson noong March 2022.
Isa ito sa tinitingnang motibo sa naganap na pamamaslang sa biktima.
- Latest