3 barangay tserman niratrat ng tandem: 1 todas!
COTABATO CITY , Philippines — Patay ang presidente ng Association of Barangay Captains sa Isabela City, Basilan habang sugatan ang kanyang dalawang kasamang kapwa barangay chairmen sa naturang lungsod matapos silang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Zamboanga City nitong Linggo ng gabi.
Sa pahayag nitong umaga ng Lunes ni Col. Alexander Lorenzo, Zamboanga City police director, agad na pumanaw sa mga tama ng bala si Franklyn Galos Tan, chairman ng Barangay Seaside sa Isabela City, nang pagbabarilin ng dalawang salarin sa Puerta Del Ciudad Hotel sa Vitaliano Agan Street ng naturang lungsod.
Nagtamo ng malubhang sugat sanhi ng insidente ang kasama ni Tan na kapwa taga-Isabela City na si Jaider Jumdam, barangay chairman ng Kaumpurnah Zone 2 at nadaplisan naman ng bala si Daryl Jalani, barangay chairman ng Kaumpurnah Zone 3, sakop din ng naturang lungsod.
Hindi pa mabatid kung ano ang sadya ng tatlong barangay chairmen sa Zamboanga City at nagawi sila sa naturang lungsod at doon inabangan at pinagbabaril ng hinihinalang mga hired killers.
Naniniwala ang mga imbestigador ng Zamboanga City Police Office na mga taga-Basilan din ang sangkot sa pamamaril sa tatlong barangay officials.
Ayon sa mga saksi at mga imbestigador ng Zamboanga CPO, nilapitan ng dalawang armadong suspek ang tatlong biktima habang nag-uusap sa may parking area sa lugar saka walang habas na pinagbabaril bago mabilis na tumakas patungo sa direksyon ng Barangay Sta. Maria ng nasabing lungsod sakay ng isang motorsiklong Suzuki Raider 150.
Kasabay ng panawagan ng hustisya, agad kinondena ni Deputy Minority Leader at Basilan Rep. Mujiv Hataman ang ginawang pananambang sa Zamboanga City sa tatlong tserman na mula sa Isabela City, Basilan na ikinasawi ng isa.
“Mariin nating kinokondena ang pagpatay kay Kapitan Franklyn Tan at ang pagkapinsala kay Barangay Captain Jaider Jundam. Kahit kailan, kahit saan, walang puwang ang karahasan sa isang mapayapa at demoratikong lipunan. Walang justification ang pagkitil ng buhay,” pahayag ni Hataman na dating gobernador ng binuwag ng ARMM.
- Latest