2 tepok sa motorcycle drag racing
COTABATO CITY, Philippines — Ngayon lang nagkukumahog na mag-aksyon ang lokal na kinauukulan sa Libungan, Cotabato sa matagal nang reklamo ng mga residente tungkol sa halos araw-araw na illegal drag racing ng mga motorista sa naturang bayan na nagsanhi na ng pagkamatay ng dalawa nitong Sabado.
Naganap ang aksidente sa isang bahagi ng Cotabato-Kidapawan Highway sa Ulamian sa Libungan, nag-sanhi ng pagkamatay ng illegal drag racer na si John Lloyd Calawigan at ni Genevieve Daclan Villela na sakay ng tricycle na kanyang nabundol habang nakikipagkarera sa ilang kapwa drag racers, hinihinalang mga addict sa shabu.
Sugatan naman ang mister ni Villela na si Florante na siyang nagmamaneho ng tricycle na nabundol ni Calawigan mula sa likuran habang nakikipagkarera sa mga kapwa illegal drag racers.
Nasapol ng Raider 150 ni Calawigan ang likurang bahagi ng tricycle ng mag-asawa sa isang bahagi ng highway sa Ulamian sa bayan ng Libungan sa probinsya ng Cotabato.
Sa ulat ng ilang himpilan ng mga radyo sa Cotabato province nitong Lunes may dalawang kasapi ng Libungan municipal council ang nakatakdang mag privilege speech sa konseho hinggil sa walang patumanggang drag racing sa kanilang bayan na ayon sa mga residente ay matagal ng alam ng mayor at ng mga kasapi ng Libungan Municipal Police Station.
- Latest