Hot meal program ng PRC sinuspinde: 216 katao ‘nalason’
MANILA, Philippines — Pansamantalang sinuspinde ng Philippine Red Cross (PRC) ang kanilang hot meal program, kasunod ng ulat na nasa 216 katao ang naospital sa Brgy. Tandang Sora, Esperanza, Agusan del Sur dahil sa umano’y food poisoning o water-borne illness.
Sa isang kalatas kamakalawa ng gabi, sinabi ng PRC na labis silang nag-aalala at nababahala sa naturang pangyayari at nagsasagawa na sila ng imbestigasyon dito.
“While the cause of the health emergency remains under investigation by the local government, the PRC’s hot meals program in the province was suspended until the completion of the probe.”
Anang PRC, ang kanilang humanitarian organization ay tumutulong sa libu-libong residente na naapektuhan ng mga pagbaha dahil sa shearline at trough ng low-pressure area (LPA) sa Mindanao. Aminado itong kabilang sila sa ilang samahan na nagsisilbi ng hot meals sa Agusan del Sur.
Dagdag ng PRC, simula Enero 16, libu-libong residente na ang kanilang napagsilbihan sa lugar.
Sa ngayon ay hinihintay pa umano nila ang resulta ng imbestigasyon sa naturang food poisoing.
“Rest assured that PRC supports the investigation. PRC remains transparent and will closely coordinate with the local government on this serious matter,” anang PRC.
Iniulat din ng PRC na hanggang alas-7:45 ng umaga kamakalawa, nakapagpamahagi na sila ng 504 jerry cans; 504 hygiene kits; 211 sleeping kits; 1,170 food packs; at 1,000 medisina sa Agusan del Sur. Nakapagdeliber din sila ng karagdagang 1,000 jerry cans sa Agusan del Sur at nakapagpatayo ng walong First Aid at pitong Welfare desks.
Sa isang pulong balitaan nitong Martes, sinabi naman ni Esperanza Mayor Deo Manpatilan, Jr. na hindi ito panahon ng pagtuturuan sa insidente dahil nais lamang ng PRC na makatulong sa mga biktima ng mga pagbaha sa lalawigan.
- Latest