Paslit naglaro ng apoy: Higaang foam sinilaban, 4 bahay natupok
CAVITE, Philippines — Apat na kabahayan ang natupok habang isa ang sugatan nang sumiklab ang malaking sunog dahil sa paglalaro umano ng apoy ng isang paslit sa kanilang tahanan at sinilaban ang kanilang higaan kahapon ng umaga sa Brgy. Silangan 1, bayan ng Rosario, dito sa lalawigan.
Sa nakalap na ulat mula sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Rosario, alas-11 ng umaga nang magsimula ang sunog sa bahay ni Delia Lumaguo, matapos na paglaruan ng anak nitong maliit ang posporo at sindihan ang foam na kanilang hinihigaan.
Dahil sa mabilis na kainin ng apoy ang nasabing foam, madaling kumalat ang sunog hanggang sa matupok ang magkakatabing bahay na pag-aari nina Arlene Saliling, Noel Sigura at Joan Dionas.
Nabatid na tumagal ng mahigit sa isang oras ang sunog bago ito tuluyang naapula ng mga rumespondeng bumbero.
Isang residente na nakilalang si Jan Jan Narcedo ang nasugatan sa insidente matapos na mahiwa ang kanang paa nito sa isang malaking yero habang mabilis na naghahakot ng kanilang mga gamit.
Kasalukuyang nasa Barangay Hall ng Brgy. Silangan 1 na nagsisilbing evacuation site, ang mga naapektuhang pamilya sa sunog.
- Latest