4 magpipinsan natusta sa sunog sa Cavite!
86 pamilya nawalan ng tahanan
CAVITE, Philippines – Sampung araw bago ang masaya sanang Pasko, kalunus-lunos na trahedya ang sinapit ng isang pamilya matapos na apat sa kanilang miyembro ang nasawi makaraang ma-trap sa nasusunog nilang tahanan habang marami pang kabahayan ang natupok kahapon sa Bacoor City.
Tumanggi pang kilalanin ng mga awtoridad ang apat na bangkay ng mga biktimang pawang mga magpipinsan na lahat ay menor-de-edad.
Sunog na sunog umano ang mga bangkay na natagpuan sa iisang bahay.
Bukod sa kanila, nawalan din ng tirahan ang may 86 na pamilya na magdiriwang ng Pasko sa Talaba 4 Elementary School kung saan tutuloy ang mga nasunugan.
Sa inisyal na report, 3:00 ng madaling-araw nang sumiklab ang malaking sunog sa Sitio Lati, Barangay Talaba 2, Bacoor City.
Pawang mga gawa umano sa mahihinang materyales ang mga kabahayan kaya mabilis na kumalat ang apoy.
Dakong alas-5:21 na ng umaga nang ideklara ng awtoridad na under control na ang sunog.
Patuloy pa ring iniimbestigahan ang pinagmulan ng nasabing sunog.
- Latest