2 ‘carjacker’ nasabat ng HPG, 2 nakaw na sasakyan narekober

Kinilala ni Col. Rommel Estolano, Highway Patrol Group-Calabarzon police director, ang mga suspek na sina Roberto Baliguat at Leonardo Dayo, umano’y kapwa miyembro ng carjacking syndicate na sangkot sa paggawa ng pekeng sertipikasyon ng Registration-official receipts at iba pang mga dokumento, at sa serye ng carnapping sa lalawigan.
Philstar.com / Jovannie Lambayan

CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines —  Dalawang hinihinalang carjackers na sangkot din sa pagpapalsipika ng mga dokumento at pekeng plaka ng mga sasakyan ang nasabat ng pinagsanib na ele­mento ng Highway Patrol Unit (HPG)-Calabarzon at local police sa anti-carnapping operation sa Sto. Tomas City, Batangas nitong Biyernes.

Kinilala ni Col. Rommel Estolano, Highway Patrol Group-Calabarzon police director, ang mga suspek na sina Roberto Baliguat at Leonardo Dayo, umano’y kapwa miyembro ng carjacking syndicate na sangkot sa paggawa ng pekeng sertipikasyon ng Registration-official receipts at iba pang mga dokumento, at sa serye ng carnapping sa lalawigan.

Sinabi ni Estolano na mahaharap ang dalawang suspek sa mga kasong grave threats at illegal possession of firearms sa City Prosecutor’s Office.

Ang pagkakaaresto ng dalawa ay base sa reklamo nina Ryan Ballesteros at Catherine Rose Colo dahil sa panunutok ng baril at pagbabanta.

Sinampahan na rin ng kasong carnapping at falsification of official documents ng HPG-Calabarzon ang dalawang suspek sa Regional Prosecutor’s Office matapos na marekober sa kanila ang iba’t ibang bogus na certification of official document and official receipts, at mga nakaw na behikulo.

Nauna sa pag-aresto, dalawang armadong lalaki ang nagbanta umano sa dalawang nabanggit na complainant sanhi upang humingi sila ng tulong sa Sto. Tomas police mobile patrol at mga operatiba na nagsasagawa ng routine patrol sa Barangay San Isidro Norte, Sto. Tomas City, Batangas noong Biyernes ng umaga.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang dalawang nakaw na sasakyan, iba’t ibang plaka ng sasakyan kabilang ang mga pekeng license plate numbers, at bogus certification of registration-official receipts sa naturang anti-carnapping operation ng pulisya sa Sto. Tomas City.

Show comments