Mga batang Moro, mag-aaral at seniors nabiyayaan sa medical mission
COTABATO CITY, Philippines — Mahigit 100 katao kabilang ang mga mahihirap na batang mag-aaral ang nabiyayaan ng libreng tuli, mga gamot at cataract operation naman sa mga senior citizens sa ikinasang “medical mission” ng grupo ng mga dayuhan katuwang ang mga Pilipinong manggagamot sa Maguindanao del Norte.
Nabatid na umabot sa 63 na batang Moro na lalaki mula sa mahihirap na pamilya sa Barangay Matingen, Sultan Kudarat, ng nasabing lalawigan ang nabigyan ng libreng tuli nitong Sabado bilang bahagi ng outreach mission.
Sa pahayag nitong Linggo ng mga barangay leaders sa Matingen at local government officials na bukod sa libreng tuli sa may 63 batang lalaki, marami rin sa mga batang mag-aaral na babae ng Mahad Al Islah Al Arabie School ang nagamot ang iba’t ibang karamdaman ng libre sa naturang medical mission na isinagawa ng isang grupo ng mga Singaporean Muslims at ng kanilang contact sa Mindanao, ang Surgimed Hospital at ang tanggapan ni Bangsamoro Member of Parliament Kadil Sinolinding, Jr.
Si Sinolinding, isang physician-ophthalmologist, ay matagal ng nagsasagawa ng libreng paggamot ng mga mahirap na mga pasyenteng Muslim, Kristiyano at mula sa mga etnikong tribo na may problema sa paningin, may cataract, o pterygium.
Maliban sa 63 na mga batang Moro na kanilang natuli, ang mga manggagamot na nagsagawa ng medical mission ay nakagamot din ng 44 senior citizens na may mga cataract at 11 sa kanila ay nakatakda ng operahan sa clinic ni Sinolinding.
Tumulong din sa naturang medical mission, inalalayan ng mga Singaporeans sa pamamagitan ng long distance coordinated engagement, ang mga volunteers mula sa Surgimed Hospital at mga kawani ng tanggapan ni Sinolinding sa regional parliament ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa Cotabato City.
- Latest