Bus swak sa bangin sa Antique: 17 patay!
MANILA, Philippines — Nasa 17 katao ang kumpirmadong patay nang mahulog sa matarik na bangin ang isang pampasaherong bus kamakalawa ng hapon sa Pil-as sa Brgy. Igbucagay, Hamtic, Antique.
Ayon sa Antique Police, kabilang sa mga nasawi ay ang mismong driver at inspektor ng bus, at isang 17-anyos na estudyante na nasagi lang ng bus.
Huling nakuha ang mga bangkay ng driver at inspektor dahil naipit sila sa bus.
Lumalabas na nasa 28 katao ang sakay ng bus at 12 sa kanila ang nasugatan at nakaligtas.
Nangyari ang trahedya sa Pil-as sa Brgy. Igbucagay dakong alas-4:30 ng hapon sa bulubunduking bahagi ng highway na walang barrier o harang. Galing umano sa Iloilo City ang bus at papuntang San Jose sa Antique nang mangyari ang insidente.
Sinabi ni Antique Gov. Rhodora Cadiao, sa salaysay ng isa sa mga nakaligtas, sinuri pa umano ng driver ang bus bago sila papaakyat ng bundok. Panay umano ang busina ng driver nang magtuluy-tuloy na ang bus pababa dahil nawalan na ito ng kontrol sa sasakyan.
“Pauwi na mga pasahero nito na almost all Antiqueños. Some are even students and seaman. Sa may Barangay Igbucagay [nangyari]. This is a mountain highway here in Antique na dinadaanan namin ito papunta sa Iloilo,” anang gobernador.
Sinabi rin ni Cadiao na hindi iyon ang unang pagkakataon na may sasakyan na nahulog sa nasabing bahagi ng “mountain highway.”
Nilaparan na rin umano ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang kalsada sa lugar at naglagay ng cement barrier pero hindi pa rin umano sapat.
Kaugnay nito, agad na sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng 90 araw ang operasyon ng Ceres Liner o Vallacar Transit Inc. na nagmamay-ari ng nahulog na bus sa Hamtic, Antique.
Ayon kay LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz, ang suspension order ay para sa lahat ng 15 bus units ng kumpanya na nakaruta sa pinangyarihan ng aksidente.
Sinabi ni Guadiz na nagsasagawa na rin ng site inspection ang kanyang mga tauhan at nakikipag-ugnayan sa insurance company para sa paglalaan ng kompensasyon sa mga biktima ng aksidente.
Sa inilabas namang statement ng Vallacar Transit management, nangako silang ibibigay ang mga pangangailangan at financial assistance sa mga biktima kasama na ang kanilang medical at burial expenses.
- Latest