Hustisya sa MSU bombing victims, hiling
Resolusyon ipinasa ng RDC-12
COTABATO CITY, Philippines — Nagpasa na ng isang resolusyon ang multi-sector Regional Council 12 (RDC-12) nitong Miyerkules na humihiling ng hustisya para sa mga biktima ng pambobomba sa Dimaporo gymnasium ng Mindanao State University (MSU) na ikinasawi ng apat katao sa Marawi City nitong Linggo.
Sa pahayag nitong Miyerkules ni Cotabato Gov. Emmylou Mendoza, chairperson ng RDC 12, kanila ring kinondena ang insidente na kanilang tinaguriang karumal-dumal at dapat na agad na maresolba ng Philippine National Police at ng Armed Forces of the Philippines.
Ayon kay Mendoza, hindi dapat makaapekto ang insidente sa mabuting samahan ng mga Muslim at mga Kristiyano sa Region 12 na sakop ang mga probinsya ng Cotabato, South Cotabato, Sultan Kudarat at Sarangani at ang mga lungsod ng Kidapawan, Tacurong, Koronadal at General Santos.
Inanunsyo nitong Miyerkules ni Bangsamoro regional police director Brig. Gen. Allan Nobleza na naka-deploy na sa paligid ng MSU campus ang karagdagang mga pulis mula sa kanilang Regional Mobile Force Battalion 14 upang mapanatag ang kalooban ng mga mag-aaral sa naturang unibersidad.
Ayon kay Nobleza, walang katotohanan ang mga kumakalat na balita na suspendido ang mga klase sa MSU sanhi ng insidente.
- Latest