MSU students, isinailalim sa stress debriefing sa ‘bombing’
MANILA, Philippines — Dahil sa trauma na idinulot ng pagpapasabog sa Mindanao State University (MSU) nitong Linggo, isinailalim sa stress debriefing ang mga mag-aaral na sinundo at dumating kahapon sa lungsod ng Davao.
Ang mga estudyante ay iilan lamang sa mga apektado ng nangyaring pambobomba sa Dimaporo Gymnasium ng MSU na ikinasawi ng apat katao.
Naganap ang pagsabog habang isinasagawa ang misa. Una nang sinundo ng lokal na pamahalaan ng Davao ang nasa 16 na mag-aaral. Tatlo nito ay mula sa Davao City, lima sa Tagum City, dalawa sa Digos City at Monkayo, at tig-iisa sa Mawab, Pantukan, Malita at Lupon.
Ayon kay Harvey James Lanticse, OIC ng Davao City Information Office, nakatanggap sila ng komunikasyon na may mga Dabawenyong mag-aaral ang nais nang umuwi sa kanilang mga pamilya matapos ang pangyayari.
Samantala, sinabi ni Task Force Davao commander Col. Darren Comia, patuloy ang pagpapatupad nila ng mahigpit na security measures upang masiguro na hindi malusutan ng mga grupo o indibiduwal na nais maghasik ng kaguluhan sa lungsod.
- Latest