Silang Interchange, lagpas sa target ang napagsilbihan

MANILA, Philippines — Ipinagmalaki ng MPCALA Holdings Inc., ang concessionaire ng ­Cavite - Laguna Expressway (CALAX), na wala pang isang buwan ay napagsilbihan na ng bagong bukas na Silang (Aguinaldo) Interchange ang mahigit 11,000 sasakyan-higit sa target na 5,000 sasakyan.

Ang 4km na segment na ito ng CALAX, na direktang kumokonekta sa Aguinaldo Highway, ay walang putol na naghahatid ng mga motorista patungo sa mga destinasyong panturista sa Tagaytay, Silang, Dasmariñas, at iba pang kalapit na lungsod at munisipalidad sa lalawigan ng Cavite.

Samantala, patuloy pa ang konstruksyon sa natitirang bahagi ng CALAX Cavite Segment. Ang susunod na interchange ay isang 7.9km 2x2 lane expressway na magmumula sa Silang (Aguinaldo) Interchange hanggang Governor’s Drive sa General Trias.

Nabatid na higit sa 95% ng right-of-way para sa segment na ito ay nakuha na, at sinimulan na ng team ang earthworks at bridge constructions.

Inaasahan, ang ­CALAX ay nakatakdang umabot sa kabuuang haba na 45 kilometro sa 2025 na bubuuin ng mga interchanges na Technopark, Laguna Boulevard, Santa Rosa-Tagaytay Road, Silang East, Silang (Aguinaldo), Governor’s Drive, Open Canal, at Kawit Interchange.

Ang CALAX ay nakadugtong sa Manila-Cavite Expressway (Cavitex) sa Kawit, habang ang mga operational segment ay sumasaklaw mula Mamplasan Rotunda hanggang sa Silang (Aguinaldo) Interchange.

Show comments