Red tide alert itinaas ng BFAR sa bahagi ng Samar, Cebu
MANILA, Philippines — ‘’Wag kumain ng mga lamang-dagat na kinuha mula sa ilang dalampasigan sa Samar at Cebu dahil sa red tide phenomonen’’.
Ito ang naging babala ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa publiko sa local advisory na inilabas nitong Martes.
Sinabi ng BFAR na nagpositibo sa Pyrodinium bahamense, isang toxic microorganism na nagdudulot ng paralytic shellfish poisoning (PSP), ang tubig mula sa Cambatutay Bay.
Huling naitala ang red tide sa Cambatutay Bay dalawang taon na ang nakakaraan.
Ligtas namang kainin ang mga isda, pusit, alimango at hipon na nakuha mula sa nabanggit na lugar.
Samantala, nagbabala rin ang BFAR na iwasan din ang paghuli at pagkain ng shellfish mula sa munisipalidad ng Madridejos, sa Cebu matapos na magpositibo rin ito sa red tide.
Nauna nang itinaas ng BFAR ang red tide warning sa San Pedro Bay sa Basey, coastal waters ng Calbayog City, at Irong-Irong Bay sa Catbalogan City, lahat ay nasa Samar.
Kabilang din dito ang Matarinao Bay sa mga bayan ng General MacArthur, Quinapondan, Hernani, at Salcedo sa Eastern Samar.
- Latest