2 nanloob sa LPG store, tiklo dahil sa CCTV

GENERAL TINIO, Nueva Ecija, Philippines — Sa tulong ng nakakabit na closed circuit television (CCTV), natukoy ang pagkakakilanlan ng dalawang lalaking suspek na nanloob sa isang tindahan ng liquified petroleum gas (LPG) na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto sa isinagawang operasyon ng pulisya, nitong Sabado ng hapon.

Kinilala ng pulisya ang dalawang naarestong suspek na sina Christian Santiago, 18-anyos, ng Barangay Padolina, rito; at Ericson Squidol, 19, isang magsasaka ng Barangay Nazareth ng bayang ito.

Ayon sa pulisya, nagsumbong sa kanilang istasyon ang complainant na si Rayson Abesamis, 38, may-asawa, isang negosyante ng Barangay Poblacion, dito at may-ari ng KMBL LPG store, na pinagnakawan umano sila ng dalawang suspek, bandang alas-3:30 ng hapon.

Natukoy umano niya ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek nang i-review niya ang footage sa kanilang CCTV.

Agad namang inaksyunan ng pulisya ang sumbong ng biktima at nadakip ang dalawang suspek bago pa man magtakip-silim. Nabawi sa kanila ang mga ninakaw umano nila sa tindahan na kinabibilangan ng 3-tangke ng LPG na nagkakahalaga ng P7,000, isang kulay gray na Tecno Spark cellphone na may halagang P4,500 at P5,000 cash.

Show comments