23 drug den, nabuwag ng PDEA sa Albay
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Aabot na sa 23 drug den sa buong lalawigan ng Albay ang nabuwag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos nilang ma-dismantle ang isa pang batakan ng iligal na droga sa Purok-2, Brgy. Arimbay ng lungsod na ito, kamakalawa.
Ayon kay PDEA-Albay provincial officer Intelligence Agent lll Noe Briguel, dakong alas-7:30 ng gabi nang kumagat at mahuli sa buy-bust operation ng PDEA-Albay at Regional Special Enforcement team sa pamumuno nina Agent Ken Villafuerte at Agent Eric Firaza katuwang ang mga tauhan ng Legazpi City Police ang maintainer ng drug den na si Paul Simon Ortiz, 32-anyos at ang dalawang bisita nito na sina Reymar Azurin, 40, at Mark Jerome Ortiz, 34, pawang residente ng naturang barangay.
Nakuha mula sa drug den ang 10 sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P63,000 at mga drug paraphernalia.
Naitala ng PDEA na nasa15 drug den sa iba’t ibang panig ng lalawigan ang kanilang nabuwag ng nakalipas na taon at simula noong Enero hanggang Setyembre, 2023 ay nadagdagan pa ito ng walo.
Naniniwala ang ahensya na may mga bahay at lugar pang ginagawang batakan sa lalawigan pero sa mas pinaigting na operasyon ng PDEA ay umaasang mabubuwag nila ito lahat.
Ani Briguel, sa 720 bilang ng mga barangay sa buong lalawigan, 625 dito ang naimpluwensyahan ng droga pero ngayon ay nasa 67-barangay na lang ang apektado.
Dalawa na ring bayan ang naideklara ng Regional Oversight Committe on drug clearing bilang drug cleared municipality at ito ang Jovellar at Camalig. Anumang araw ay posibleng tuluyan na ring maideklarang drug clear ang apat na bayan pa ng Tiwi, Malilipot, Bacacay at Libon dahil sa aktibong hakbang at suporta ng kanilang lokal na pamahalaan.
- Latest