Kampanya sa HUC status ng San Jose del Monte City, rumatsada na
MANILA, Philippines — Umarangkada na ang kampanya para sa transpormasyon ng San Jose del Monte City, Bulacan bilang “Highly Urbanized City (HUC) sa ika-8 taunang selebrasyon ng Tanglawan Festival sa buong lungsod kaugnay ng gaganaping plebisito sa darating na Oktubre 30 ng taon.
Pinangunahan naman ng local chief executive ng SJDM Mayor Arthur Robes at misis nitong si Rep. Florida “Rida” Robes ng Lone District ang kampanya.
Sinabi ni Rep. Robes na kumpiyansa siyang makakakuha ng maraming botong “yes” o pagpabor sa mamamayan ang SJDM upang mapabilang ito sa HUC sa gaganaping plebisito.
Ayon kay Rep. Robes, naakma lamang na pumaimbulog ang hangarin para sa pagasa at maliwanag na bukas ng mga Joseños sa ginaganap na Tanglawan Festival na mula sa salitang “Tanglaw ‘ na nangangahulugan ng liwanag.
Sinabi ng mag-asawang Robes na nakamtan na ng kanilang lungsod ang kinakailangang pamantayan para maideklara itong HUC na napapanahon na ito lalo na at lumalaki na ang populasyon ng kanilang lungsod na kuwalipikado na sa nasabing titulo.
“Kapag tayo ay component city lamang, medyo maliit ang ating pagkukunan ng paglilingkod at serbisyo sa ating mamayang San Joseño. Habang lumalaki ang populasyon, lumalaki ang pangangailangan,” saad ni Robes.
Inihayag ni Robes na ang pamahalaang lungsod ay pinalakas pa ang free education program kung saan umaabot sa 6, 500 na ang mga benepisyaryo mula sa mga residente ng District 2 at gagawin din nila ito sa District 1 .
Ayon kay Robes, sakaling maging HUC na ang SJDM ay magiging ikatlo na ito sa lalawigan ng Bulacan. Iginiit nito na nakuha ng SJDM ang kailangang 200,000 inhabitants o residente at kumikita ang lungsod ng P250 milyon kada taon sa nakalipas na dalawang taon.
Base sa data ng Philippine Statistics Office, ang SJDM ay may populasyong 651,813 katao at kabuuang 156,871 pamilya na ika-18 siyudad sa bansa na may malaking populasyon at pinakamalaking government unit sa Bulacan at Central Luzon.
- Latest