5 Bulacan rescuers binigyan ng ‘snappy salute’ ng DILG
MANILA, Philippines — Pinarangalan at binigyan ng “snappy salute” ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang limang bayaning rescuers na nagbuwis ng kanilang buhay habang nagsasagawa ng rescue mission sa San Miguel, Bulacan, sa kasagsagan nang pananalasa ng Super Bagyong Karding noong Linggo ng gabi.
Kasabay nito, nagpaabot si Interior and Local Gov’t Sec. Benjamin ‘Benhur’ Abalos Jr. ng taus-pusong pakikiramay at mataimtim na panalangin para sa mga pamilya ng limang rescuers na sina Narciso Calayag, Jerson Resurreccion, Marvy Bartolome, George Agustin, at Troy Justin Agustin.
“The Department of the Interior and Local Government (DILG) joins the Bulacan provincial government and the Bulakeños in grieving for the five brave heroes of the Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (BPDRRMO) who perished during a rescue mission at the height of Super Typhoon Karding yesterday, September 25, 2022,” ani Abalos.
“Our snappy salute to Narciso Calayag, Jerson Resurreccion, Marvy Bartolome, George Agustin, and Troy Justin Agustin of the BPDRRMO for responding to the call of duty and rendering an unequivocal testament of genuine public service even at the expense of their own lives,” ayon pa sa kalihim.
“Ang inyo pong serbisyo ay hindi matatapatan ng kahit anumang halaga lalo na sa panahon ng kalamidad. Salamat po sa inyo!” …“May we all find inspiration in their dedication to duty and be comforted that their lives were not wasted and were lived for the service of their fellow Filipinos,” dagdag pa ni Abalos.
Samantala, nagpahayag din si Bulacan Governor Daniel Fernando ng kanyang lubos na pakikiramay at binigyang papuri ang kabayanihan ng limang nasawing rescuers.
“Kulang ang mga salita upang ipahayag ang aking kalungkutan sa naganap na trahedya sa ating mga kasamang rescuers ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office. Sa ngalan ng lalawigan ng Bulacan, ako ay taus-pusong nagpapasalamat at ikinararangal ang kanilang ipinamalas na kabayanihan at matapat na pagtupad sa kanilang tungkulin, sukdulang isakripisyo ang kanilang sariling buhay,” ani Fernando.
Sinabi ng gobernador na lahat ng benepisyong nakalaan mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ay ibibigay sa pamilya ng mga biktima, kasama na ang personal na pinansiyal na tulong mula sa kanya.
- Latest