6-anyos, 1 pa todas sa pamamaril sa Ilocos

MANILA, Philippines — Dalawa katao kabilang ang isang 6-anyos na batang lalaki ang iniulat na nasawi sa pamamaril sa Brgy. Subec, Pagudpud, Ilocos Norte nitong Biyernes ng gabi.

Kinilala ang mga namatay na biktima na sina Lea Balolong, 39 taong gulang at John Kurt Daguro, 6-anyos; pawang naninirahan sa Brgy. Subec ng bayang ito.

Sa paunang ulat ng Ilocos Norte Police, kasalukuyang naglalakad ang mga biktima sa naturang lugar nang bigla na lamang silang pagbabarilin ng riding-in-tandem na mga salarin bandang alas-7 ng gabi.

Ang mga suspect ay lulan ng isang kulay itim na motorsiklong Honda TMX 155 nang lapitan ang mga biktima at pagbabarilin.

Matapos isakatuparan ang krimen, mabilis namang nagsitakas ang mga salarin na sinamantala ang pagkakagulo ng mga tao sa lugar.

Sang-ayon sa mga nakasaksi ang mga suspek ay nakasuot ng maong na pantalon, itim na jacket na hindi nila namukhaan dahilan nakasuot ang mga ito ng helmet.

Kabilang sa sinisilip na anggulo ng pulisya sa kasong ito ay “crime of passion” habang patuloy ang masusing imbestigasyon sa krimen at pagtugis sa mga salarin.

Show comments